Suwail na anak tinodas ng sariling ama

Dahil sa hindi pagsunod sa utos na bumili ng alak, isang anak ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng sarili nitong ama, kahapon ng madaling-araw sa Parañaque City.

Ayon kay SPO3 Niel Landicho, ng complaint desk, Parañaque City Police, dead-on-the-spot si Joel Capin, 24, may asawa, nakatira sa Sitio Palanan, Bgy. Palanan ng nasabing lungsod ay nagtamo ng maraming saksak.

Samantala, ang suspek na ama nito na nakilala namang si Epifanio, 59, ng nabanggit na address ay mabilis na tumakas.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-11 ng gabi at alas-12 kahapon ng madaling-araw sa likod ng Olivares Plaza, NAIA Road, Bgy. San Dionisio, Parañaque City.

Nabatid na inutusan ng ama ang anak na bumili ng alak pero hindi ito sumunod. Sa halip, pinagsabihan umano ng anak ang ama na itigil na ang masamang bisyo.

Ang pagtatalo ng mag-ama ay nauwi sa malagim na insidente makaraang undayan ng maraming saksak hanggang sa mapatay ang nakababatang Capin.

Pinaghahanap na ang tumakas na suspek. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments