Dumpsite nilusob: sikyu patay, 1 pa sugatan

Isang head security guard ang nasawi habang malubhang nasugatan ang isa pang guwardiya matapos na salakayin ng may 10 kalalakihan ang binabantayan ng mga ito na temporary dumpsite ng Leonel Waste Management kahapon ng madaling-araw sa Pier 2, North Harbor, Tondo, Maynila.

Kinilala ni C/Insp. Johnny Taluban, hepe ng WPD Homicide Section ang napatay na si Fernando Henosre, officer-in-charge security ng Kings Security Agency. Siya ay nagtamo ng maraming saksak sa katawan.

Kasalukuyang ginagamot naman sa Gat. Andres Bonifacio Hospital si Marlon Lozada, 18, dahil sa tinamo nitong mga pasa sa katawawn bunga ng panggugulpi at grabeng pagkakapalo sa likurang bahagi ng kanyang ulo.

Pinaghahanap pa ng awtoridad ang mga suspek na nakilala lamang sa mga alyas Dondon, Pandak, Baor, Zaldy, Jomer at isang Tata Marcadel na pawang residente ng Parola Compound, Tondo.

Sa imbestigasyon ni Det. Victor Miparanum, may hawak ng kaso ng WPD Homicide Division, dakong ala-1:25 ng madaling-araw nang salakayin ng may 10 di-kilalang lalaki ang nasabing dumpsite.

Nauna sa insidente, kasalukuyang nagkakape ang dalawang biktima ng magsidatingan ang mga suspek at nagpaputok ng sumpak (home-made shotgun).

Dahil sa pagkabigla ng mga biktima, hindi na nagawa pang bunutin ang kani-kanilang service revolver na mabilis na pinagtulungang bugbugin, paluin ng matigas na bagay at pagsasaksakin ang dalawang biktima.

Posibleng paghihiganti ang motibo ng mga suspek dahil nagkaroon na umano ng unang sagupaan ang grupo ng mga guwardiya at mga suspek. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments