Lolo na rapist/killer ng apo nasakote

Nabigyan na rin ng hustisya ang kaso ng isang 4 anyos na batang babae na ginahasa at pinatay bago sinunog at isinilid sa balikbayan box ang bangkay, matapos arestuhin ng mga tauhan ng DILG-Special Task Force ang isang lolo na umano’y responsable sa kaso, kahapon sa Caloocan City.

Si Gerardo Bacolod, 73, may asawa at nakatira sa Block 19 Lot 15 North Olympus subd., Caloocan ay nadakip sa bahay ng anak nitong doktor sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Carlos Hamoy ng Caloocan-RTC branch 130.

Si Bacolod ang itinuturong gumahasa at pumaslang sa biktimang si Jonalyn Peque, 4, noong Marso 3, 2000. Ang biktima ay natagpuang nasa loob ng balikbayan box na sunog ang katawan.

Dalawang araw pang nabuhay ang biktima at ipinagtapat nito sa kanyang inang si Elizabeth na siya ay sinunog at ginahasa ng kanyang lolo na si Bacolod saka isinilid sa loob ng balikbayan box at sinunog ng acetylene.

Humingi naman ng tulong ang ina ng biktima kay DILG Secretary Alfredo Lim upang mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kanyang anak.

Unang naaresto ng Caloocan police ang suspek subalit dahil sa mahinang ebidensiya ay nakalaya ito.

Itinanggi naman ng suspek na nirape niya at sinunog ang bata saka isinilid sa nasabing kahon at ikinatwiran na kusang-loob na pumasok sa kahon at naglaro ng apoy ang bata. (Ulat nina Rudy Andal/Angie dela Cruz)

Show comments