Opisyal ng pulis sinapak ng sekyu

Nakakulong ngayon ang isang sekyu matapos na ito ay magwala at sapakin ang isang opisyal ng pulisya sa loob ng police station kamakalawa ng gabi.

Ang suspek ay nakilalang si Roldan Visen, 26 at residente ng Malinta,Valenzuela City at nahaharap sa kasong serious disobedience at direct assault matapos na masapak ang biktimang si P/Insp. Allan Macapagal, 28 ng Lourdes Site East, Angeles City.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas 8 ng gabi, kamakalawa ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek at ang isang Air Force Sgt. Leo Aguila,33,ng Villamor Airbase, Pasay City na nakatalaga sa SM Megamall bilang bahagi ng programa ng PNP-AFP Task Force Tulungan, papauwi na ang huli sakay ng 6x6 truck ng ito ay sigawan ng una na "hoy akala mo ikaw lang ang may baril".

Ilang pulis na nagbabantay sa nasabing lugar ang mabilis na rumesponde at inawat ang dalawa at inimbitahan sa police station na nasa likod ng mall.

Nang nasa loob na ng police station ay patuloy sa pagwawala ang suspek kaya ito ay dinis-armahan ng mga pulis.

Napahiya ang suspek kaya ito ay lalong nagalit at sinuntok nito si Aguila subalit ang tinamaan ay ang biktima na umaawat lang.

Sa puntong ito ay nagsidatingan naman ang mga kasamahan ng suspek na pawang mga armado at balak umanong makipagbarilan sa mga pulis na handa rin sa mga susunod na pangyayari.

Subalit may malalamig na ulo ang namagitan kaya’t naawat ang posibleng pagdanak ng dugo. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments