Namatay sa tama ng dalawang bala ang biktima na si Guillermo Payumo,53,empleyado ng Laguna Lake Development Authority(LLDA) at residente ng Kenneth Road,Brgy.Pinagbuhatan ng nasabing lunsod.
Samantala mabilis namang tumakas ang suspek na si Rogelio Vera,kapit-bahay ng biktima habang ang anak nitong si Rolando Vera,18 ay nasa kritikal na kalagayan sa Rizal Medical Center dahil sa isang tama ng bala sa dibdib.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na dakong alas 8:00 ng gabi ay niyaya ni Payumo ang batang Vera na mag-inuman at sa kanilang pag-iinuman ay nagsalita ang una na balak niyang magpatayo ng tulay sa kanilang lugar para may madaanan ang mga tao dahil patuloy pa ring binabaha ang kanilang lugar.
Inilabas ng biktima ang kanyang sama ng loob sa mga barkada ng batang Vera dahil umano hindi marunong magbayanihan at inaatupag ang walang katuturan na bagay katulad ng pag-droga.
Ipinagtanggol ng batang Vera ang kanyang mga barkada hanggang sa magkaroong ng mainitang pagtatalo ang dalawa na ikinapikon ng una at sinaksak ang biktima ng patalim.
Kahit na may saksak ang biktima ay nagawa nitong bunutin ang baril at pinaputukan ang batang Vera na tinamaan sa dibdib.
Nang malaman ng matandang Vera ang nangyari sa anak ay agad itong sumaklolo sa pinangyarihan at pinaputukan ng baril ang biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)