Briton sinunog ang bahay pati sarili

Isang British national ang nanunog ng sarili nitong tahanan hanggang sa pati siya ay matusta, kahapon ng madaling araw sa Novaliches, Quezon City.

Kinilala ni C/Supt. Victor Luga, Central Police District director, ang biktima na si David Chapel, 43, may asawa, ng Queensland Subdivision, Sitio Damong Maliit, Bgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches.

Sa imbestigasyon ng CPD-Criminal Investigation Unit, nagsimula ang panununog dakong alas-5 ng madaling-araw habang wala ang misis nitong Pilipina at nasa isang lamayan.

Ayon sa ilang kapitbahay, bago ang sunog ay narinig nilang nagwawala ang biktima dahil sa hindi umano pag-uwi ng misis nito sa kanilang bahay.

Sinasabing pyromaniac ang biktima o mahilig manunog ng kung anu-anong mga gamit at maging ang bahay nito ay kung ilang beses na umano nitong tinangkang sunugin subalit kahapon lamang natuluyan.

Una umanong sinilaban ng biktima ang kanilang sofa at pagkatapos ay ilang kagamitan at nang lumaki ang apoy ay na-suffocate ito at tuluyan nang di nakalabas ng bahay kaya’t kasamang nilamon ng apoy.

Natagpuan ang nalitsong bangkay ng biktima na nakahiga sa kanyang kama sa master’s bedroom.

Nabatid pa na madalas umanong nag-aaway ang mag-asawa at posible umanong isa ito sa mga dahilan ng panununog ng biktima. (Ulat nina Rudy Andal at Angie Dela Cruz)

Show comments