Pulis napagtripang katayin ng 5 mag-utol na adik

Isang bagitong pulis ang pinagtataga at pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng limang magkakapatid na adik matapos na mapagtripan ng mga ito ang una, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Hindi na umabot ng buhay sa Tala Hospital si PO2 Louie Lim, 33, ng Phase 10 Package 2 Blk 4 Lot 10, Bagong Silang ng nabanggit na lungsod at nakatalaga sa Regional Mobile Group ng National Regional Police Office (NCRPO) sa Bicutan, Taguig.

Kaagad namang nasakote ang isa sa limang suspek habang nasa aktong papatakas si Willie Abad alyas Gogo, 20, habang pinaghahanap na ang apat pa nitong mga kapatid.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na dakong alas-9 ng gabi ay papauwi na ang biktima galing sa duty nito nang madaanan nito ang mga suspek na noon ay nag-iinuman at umano’y nagsasagawa ng pot session.

Bigla na lamang itong hinarang at walang sabi-sabing pinagsasaksak ng mga suspek. Hindi pa nakuntento ay kumuha ng itak ang mga suspek at pinagtataga ang biktima.

Kaagad isinugod sa ospital ang biktima ng kanyang mga kapitbahay na sinamantala naman ng mga suspek para tumakas.

Ayon naman sa mga kapitbahay ng biktima, ito umano ang laging sumasaway sa mga suspek tuwing ang mga ito ay gumagawa ng gulo sa kanilang lugar kaya’t posible umanong nagtanim ng galit ang magkakapatid dahilan upang pagtatagain nila ito. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments