Ayon kay Honasan, hindi na dapat pang buksan ang nasabing dumpsite dahil sa panganib na dulot nito sa pamumuhay at kalusugan ng mga residente sa paligid ng Lupang Pangako.
Ang planong ito umano ay isang imbitasyon lamang sa panibagong trahedya.
Lumilitaw na ang pagbubukas ng Payatas dumpsite ay bunsod na rin ng kabiguang makahanap ng angkop na lugar para sa pagtatayuan ng sanitary landfill ng mga basurang mahahakot sa Kamaynilaan.
Nangangamba ang mga opisyal ng pamahalaan ng posibleng pagsulpot ng krisis sa basura dahil sa nakatakdang pagsasara ng San Mateo Landfill sa Disyembre 31, 2000.
Kasabay nito, tinutulan ng Senado ang balakin ng Metro Manila Development Authority na magkaroon ng walong dumpsite sa piling munisipalidad at lungsod sa MM.
Sa halip umanong isulong ang panukala, mas makabubuti kung pagtutuunan ng pansin ng mga opisyal ng pamahalaan ang promosyon ng wastong pagtatapon at segregation ng basura sa ilalim ng recycling. (Ulat ni Doris M. Franche)