Kapwa kritikal ngayon sa loob ng Mandaluyong City Medical Center ang magkapatid na Jonathan Gayo, 20, binata at Jovy, 18, kapwa residente ng #56 Private Road, Bgy. Hulo, Mandaluyong.
Tuluyan nang hindi nakabawi ang katawan ni Jonathan at pinangangambahang mabaldado na habambuhay habang bahagyang nakakapagsalita na ngayon si Jovy.
Sa rekord ng pulisya, masayang nag-iinuman ang magkapatid sa labas ng kanilang bahay. Nang malasing pareho, nagkahamunan ang dalawa kung kayang magpadaloy ng kuryente sa kanilang katawan.
Nagmalaki si Jonathan na kaya niyang hawakan ang live wire kayat umakyat ang dalawa sa bubungan ng kanilang 2-palapag na bahay upang patunayan nito ang kanyang paghahamon.
Nagbago naman ng isip si Jovy at inawat ang kanyang kuya subalit huli na upang iligtas ito dahil nakuryente rin siya. (Ulat ni Danilo Garcia)