Tinangka pang manakbo ng suspek na si Ronald Santos, 29, ng J.P. Rizal st., Bgy. Onse, San Juan, bago ito nakorner at naaresto ng mga pulis na sina SPO1 Timoteo Baba at PO2 Eduardo Fronda.
Ayon sa pulisya, nagtatrapiko umano si Antonio Anda, traffic enforcer, sa may Wilson st., Ortigas Center, San Juan, nang kanyang parahin si Santos sakay ng Shing taxi (TVD-677) na nag-counter flow sa kabilang kalsada upang makaiwas sa trapiko.
Nang kanyang kuhanin ang lisensya nito, tumanggi umano ang driver kaya napilitan siyang humingi ng saklolo kay Fronda at Baba. Sinabi ni Fronda na nang kanyang ipasok ang kamay sa loob ng sasakyan ni Santos, bigla umano nitong itinaas ang windshield ng kotse kaya naipit siya.
Nang magkakawag siya sa sakit, dito umano ibinaba ng suspek ang bintana at saka muling itinaas. Hindi pa umano ito bumaba at sa halip ay tinangka pa silang banggain ng sasakyan na pilit niyang pinaandar ngunit dahil sa sikip ng trapiko ay hindi rin siya nakalayo.
Nang muling masakote, bumaba na umano ng sasakyan si Santos at nagtangka pang tumakas. Nakorner naman siya ni Fronda bago tuluyang makatakas.
Sinabi naman ni Santos na may anim na kotse umano silang nag-counter-flow sa naturang lugar ngunit siya lamang ang pinag-initan. Itinanggi nito na tinangka niyang sagasaan ang mga pulis at inipit ang kamay ni Fronda. Sinabi niya na sinampal umano siya ni Fronda kaya niya itinaas ang windshield ng kotse.
Nakadetine si Santos sa Eastern Police District-Criminal Investigation Group habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya. (Ulat ni Danilo Garcia)