Ayon kay Secretary Roberto Aventajado ng Greater Metro Manila Solid Waste Management Committee maraming sagabal at problemang legal na kinakaharap ang komite para maisaayos na ang pamalit na tapunan ng basura bagaman isang buwan na lang ang nalalabi para maisakatuparan ang direktiba ng Pangulong Estrada.
Si Aventajado ang inatasan ni Estrada na humanap ng lugar na mapagtatayuan ng sanitary landfill kaugnay ng kautusan niyang isara na ang San Mateo sa katapusan ng Disyembre ng taong ito.
Ayon kay Aventajado naging kumplikado ang sitwasyon dahil sa pagpapalabas ng ilang korte ng temporary restraining order na nagpahinto sa paghahanap ng permanenteng lugar na mapaglalagyan ng basura. Pupulungin uli ni Aventajado ang mga MM mayor para sa paghahanap ng lugar na mapagtatapunan ng basura kapalit ng San Mateo landfill. (Ulat ni Lilia A. Tolentino)