Base sa 14-pahinang desisyon ni Pasay City Regional Trial Court Branch 112, Judge Manuel Dumatol, ang mga hinatulan ay sina Erwin Tulfo, kasalukuyang reporter-newscaster ng nabanggit na television network at dating kolumnista ng pahayagang Remate.
Bukod kay Tulfo, hinatulan din si Philip Pichay, publisher ng Carlo Publishing Corp. at ang tatlong editor na sina Susan Cambri, Rey Salao at Joselyn Barlizo.
Nabatid na sina Tulfo ay sinampahan ng kasong libelo ni Atty. Carlos Ding So ng intelligence division ng BOC.
Base sa rekord ng korte, si So ay isinulat sa kolum ni Tulfo na may pamagat na "Direct Hit" sa nabanggit na pahayagan noong Mayo 11, 12, 19 at June 25, 1999 at binabanggit dito na nagkaroon ito ng katiwalian sa nasabing tanggapan.
Ayon sa korte, may malisya ang naturang artikulo kaya’t sina Tulfo, Pichay, Cambri, Salao at Barlizo ay hinatulan ng apat-na-taong pagkabilanggo sa 4 counts libel na isinampa sa kanila.
Bukod sa pagkabilanggo, sila ay pinagbabayad ng halagang P1 milyon, P800,000 at P500,000 para sa actual, moral at exemplary damages.
Nakatakda namang umapela sa Court of Appeals ang mga akusado habang si Tulfo ay naglagak ng P200,000 piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya. (Ulat ni Lordeth Bonilla)