Anak ni Congressman Asistio namaril

Dahilan sa bisikleta, nahaharap sa kasong frustrated homicide ang anak ni Caloocan City Congressman Luis "Baby" Asistio matapos nitong barilin ang isang dating hinete ng kabayo, kamakalawa sa Caloocan City.

Si Danilo Cuevas, alyas Jockey Pol, 52, ng 14 Dagohoy st. ay pormal na nagsampa ng kasong frustrated homicide sa Caloocan City Prosecutor’s Office laban kay Luisito "Patchot" Asistio, 35, matapos tamaan ng bala ng kalibre .38 baril sa kanang paa ang una.

Lumalabas sa imbestigasyon na dakong alas-6:30 ng gabi nang hiramin ng biktima ang bisikleta ng suspek sa live-in partner nitong si Mariz dahil mayroon lamang itong bibilhin sa malapit na tindahan. Nang isasauli na niya ang bisikleta ay dumating si Asistio at kinumpronta siya.

Nagpaliwanag si Cuevas kay Asistio subalit hindi pa man nakakatapos sa pagsasalita ang una ay nagpaputok na ito dahilan upang magtatakbo ang biktima subalit pinatitigil pa rin ito ng suspek sa pagtakbo. Sa sobrang takot ay lalong nagtatakbo ang biktima dahilan upang muling magpaputok si Asistio at tamaan ito sa paa. Pinaghahanap na ng pulisya ang suspek na tumakas matapos ang pamamaril. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments