Pumatay ng kapitbahay dahil sa itik

Dahil lamang sa nawawalang itik isang lalaki ang nanaksak at nakapatay ng kanyang kapitbahay matapos pagbintangan ng una ang huli na ito ang nagnakaw kahapon ng umaga sa Pasay City.

Namatay noon din ang biktima na si Isagani Riyangan, walang trabaho ng Block 2, Lot 40, Sta. Rita, Maricaban ng nasabing lungsod sanhi ng maraming saksak sa katawan.

Samantala tumakas ang suspek na nakilalang si Joseph Dacles, Jr., residente ng No. 27 St. Peter st. na kapitbahay ng biktima sa nabanggit na lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9:25 ng umaga kahapon sa St. Mary st. sa panulukan ng St. Peter st. at Maricaban.

Nagkasalubong ang dalawa sa kalye at kaagad na kinompronta ni Dacles si Riyangan na ito ang nagnakaw ng alagang itik.

Itinanggi ng biktima na wala siyang kinalaman sa pagkawala hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo na humantong sa pananaksak ng suspek. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments