Trader hinoldap ng naka-kotse

Tinatayang aabot sa halagang P3 milyon ng mamahaling alahas ang natangay mula sa isang alahera matapos itong holdapin ng tatlong armadong kalalakihan kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Kinilala ng pulisya ang biktimang si Annali Castro, 40, ng 3rd Floor, Bahay Caridad, Bayani st., Bgy. Santol, ng nabanggit na lungsod.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-7 ng gabi nang maganap ang insidente habang ang biktima ay lulan ng kanyang Honda Civic na may plate no. UPP-572 sa panulukan ng E. Rodriguez at New York st., Cubao.

Napag-alaman na mayroong humintong puting Toyota Corolla na may sakay na tatlong di-nakikilalang lalaki at hinarang ang sasakyan ng babae.

Bumaba ang isa sa mga suspek na armado ng baril at pilit na pinabuksan ang kotse ng babae na walang nagawa kundi papasukin ang una.

Kaagad na umanong nilimas ng suspek ang mga alahas na dala ni Castro na umaabot sa P3 milyon at ang P93,000 cash na laman ng bag nito bago mabilis na tumakas.

May teorya ang pulisya na may nakapag-tip sa mga suspek na may dalang alahas at malaking halaga ang biktima kaya’t inabangan ito. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments