Operasyon ng Meralco maaapektuhan dahil sa sunog

Kinakailangang magtiis pa ang mga lugar na kasalukuyang wala pang kuryente dulot ng nagbagsakang poste at kable sanhi ng nagdaang bagyo, dahil sa hindi muna maaasikaso ng Manila Electric Company (MERALCO) ang mga reklamong ito.

Ito’y matapos na tuluyang maging abo ang tinatayang P200 milyong halaga ng mga bagong computers at telecommunications equipments matapos na kainin ng may 18 oras na sunog ang dalawang palapag na gusali sa loob ng Meralco compound, kamakalawa ng gabi sa Pasig City.

Ayon kay Supt. Alcovel Ferrer, Pasig City Fire Marshall, nag-umpisang sumiklab ang apoy sa unang palapag ng Operations bldg. dakong alas-7:10 ng gabi sa telecommunications equipments office kung saan nakaimbak ang ilang bagong biling computers.

Nakapaloob sa naturang gusali ang mga opisina ng Meralco Retirees Association, Inspection Office, Information Technology Office, Human Resource Office, Meralco Employees Savings and Loan Association, Telecommunications Office at ang karugtong na Philippine Commercial Bank na bahagyang inabot ng apoy.

Sinabi ni Barry Barrientos, Senior Staff Engineer, naglalaman umano ang naturang gusali ng higit sa 100 units ng mga computers na limang buwan pa lang na nabibili. Bukod pa rito ang mga telecommunications equipment na tumatanggap ng lahat ng tawag sa Meralco.

Inihayag din niya na pansamantalang wala munang tawag na matatanggap ang Meralco dahil sa pagkaparalisa ng sistema ng komunikasyon nito. Ang naturang gusali ang nagkukonekta ng lahat ng tawag buhat sa labas. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments