Ito ang ibinunyag ng isang source sa Manila City Hall na nagsabing matagal na ang illegal practice na ito sa ilang punerarya sa Maynila.
Ang pagbubunyag ay kasunod ng nabulgar na pagbebenta ng utak ng isang utility personnel ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) na naaktuhan ng NBI kamakailan.
Kaugnay nito ay inatasan ni Vice Mayor Danny Lacuna ang Manila City Special Operations Group upang magmanman sa gawain ng mga ilang embalsamador sa mga punerarya sa Maynila upang tiyakin na ang kanilang yumao ay ililibing na kumpleto pa ang bahagi ng katawan tulad ng mata, utak, binti, hita at iba pa.
Sa panayam kay Dr. Florante Baltazar, Asst. Chief ng Manila City Health at administrador ng Manila North Cemetery, mayroong karapatan ang kaanak ng isang namayapa na hayaang isama sa libing ang ilang mahahalagang bahagi ng isang namayapa, tulad ng mga nabanggit.
Ngunit kundi ito ipagbibilin ay kasama na rin itong tatanggalin lalo na yaong madaling mabulok tulad ng bituka, atay, pantog at iba pa.
Pero ang utak, mata at mga hita, kamay ay dapat na kasamang inililibing, depende rin sa kung ano ang habilin ng kaanak ng namatay.
Nabatid pa na umaabot sa mula P500 hanggang P2,000 ang halaga ng isang bahagi ng namatay na tao depende sa estado ng pagkaka-preserve.
Mahigpit ding ipinagbilin ni Dr. Baltazar na hanggat walang kasunduan na ibahagi ng kaanak ng namayapa na ipagkaloob ang kanyang body parts sa siyensya ay maaaring maghabol ang kaanak nito at lalong walang karapatan ang punerarya na ibenta ito. (Ulat ni Andi Garcia)