Kinilala ni C/Supt. Victor Luga, Central Police District (CPD) director, ang lumikha ng tensyon na si Burgos Liquin, 38, may asawa, nakatira sa #27-A Lilan Drive, Balintawak, QC.
Ayon sa ulat ng CPD-Station 8, bandang alas-9 ng umaga nang mapansin ng ilang residente si Liquin kasama ang kanyang 6-taong gulang na anak na si Lewey na umakyat sa People Power Monument sa kanto ng EDSA at White Plains.
Hindi umano pinansin ng mga nakakita ang mag-ama dahil inakala lamang itong magpapahinga sa nasabing monumento pero nang magsimulang sumigaw si Liquin at akmang tatalon ay naalerto ang mga naririto.
Sinimulan ng mga awtoridad ang pakikipagnegosasyon sa matandang Liquin upang ibigay na lamang nito ng mahusay ang kanyang anak na sinunod naman ng ama pero nang siya na ang pinababa sa naturang monumento ay tumanggi ito.
Nagsimula na itong manawagan sa taumbayan na tigilan na ang mga kilos-protesta laban kay Pangulong Estrada dahil sa hindi ito makakatulong upang makabangon ang ating ekonomiya.
Pinili umano ni Liquin ang People Power Monument na kanyang akyatin dahil ito ang nagiging simbulo ng pagkakaisa ng mamamayan nang patalsikin ang Marcos dictatorship sa pamamagitan ng EDSA Revolution.
Nais umano niya na ang monumentong kanyang inakyat ang magsilbi ding haligi ng Estrada government upang mahadlangan ang anumang balak na pagpapatalsik laban sa Pangulo.
Nakumbinsi din si Liquin, na pinaniniwalaang may diperensya sa pag-iisip, ng mga tauhan ng CPD at MMDA na bumaba sa nasabing monumento upang personal na lamang siyang manawagan sa taumbayan kaugnay ng pagsuporta niya sa Pangulo. Nasa pangangalaga ng CPD Station 8 ang mag-ama. (Ulat ni Rudy Andal)