Ex-beauty queen inereklamo ng pang-uumit ng kotse

Isang kolehiyala ang nagsampa ng reklamo laban sa dating beauty queen at artistang si Aurora Sevilla matapos umanong tangayin ang kanyang kotse na isinanla nito sa Pasig City.

Nagreklamo si Donna Bueno, 24, ng 4-C Phoenix Heights Condominium, Bgy. Oranbo, Pasig City, sa Criminal Investigation Division ng Eastern Police District.

Nabatid na si Sevilla ng 802 Crisanta Tower, Capt. H.P. Javier, Bgy. Oranbo, Pasig City ay nagtungo umano sa bahay ni Bueno noong Oktubre 3, upang humingi ng tulong.

Si Sevilla ay natalo umano sa casino at naisanla sa isang ‘gambling financier’ ang kanyang 1996 model gold na Honda Civic na may plakang UHS-439.

Sinabi ni Sevilla kay Bueno na tumutubo ng P4,000 araw-araw ang pagkakasanla niya ng kotse sa casino kaya sa halip na lumaki ay nakiusap umano ito na tubusin na lamang ng huli.

Sa halagang P170,000 ay tinubos ni Bueno ang nasabing kotse sa kasunduang sa loob ng tatlong buwan kapag ito ay hindi natubos ay malilipat ito sa kanyang pangalan.

Kinabukasan, nagulat si Bueno nang wala na ang kotse sa garahe at sinabi ng security guard na ang baklang alalay ni Sevilla na si Lalay Santos ang nagmaneho palabas sa pamamagitan ng isang reserbang susi.

Agad na nagtungo si Bueno sa bahay ni Sevilla upang ipaalam ang buong pangyayari ngunit nanlumo ito nang makitang papaalis na si Sevilla lulan ng nasabing kotse at hindi pa nagpapakita hanggang sa kasalukuyan. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments