Ang pagpasok ni Saguisag bilang pormal na kakatawan sa mga biktima ng umanoy human rights abuse ni Atienza at ng kanyang Anti-Littering Task Force ay naganap makaraang lumapit ang grupo ng mga "taong-grasa" sa pangunguna ng isang Nelson Robles.
Nabatid na kinilala ng grupong MABINI ang kaso ng mga taong-grasa na ipinatapon sa San Mateo Landfill noong Nob. 6, 1999 base sa mga dokumento na nakalap nito at sa salaysay ng mga biktima.
Nabatid din na nakuha ng MABINI ang isang nabibimbin umanong kaso nito sa Ombudsman na may docket no. OMB-ADM-0-00-0748.
Matatandaan na ang grupo ni Robles ay isinakay na lamang ng mga tauhan ng Anti-Littering Task Force sa isang trak ng Leonel Waste Management.
Sa halip na dalhin ang grupo ni Robles sa DSWD centers gaya ng ipinangako ng mga humuli sa kanilang elemento ng Anti-Littering Task Force ay diniretso sila sa San Mateo Landfill at doon ay parang basurang itinapon.
Binigyang-diin ni Saguisag sa liham nito kay Atienza na magpaliwanag sa lalong madaling panahon upang maitaguyod ang katarungan para sa mga biktima ng pang-aabuso sa karapatang pantao. (Ulat ni Andi Garcia)