Ang dalawang bagong biktima na hindi tinukoy ang mga pangalan ay magpinsan at may mga edad na apat na taon.
Nabatid na ang mga biktima ay kinunan ng stool at blood samples at dinala sa Australian Health Department na siyang nagkumpirma ng nasabing sakit.
Base sa ulat ng Field Epidimiology Training Program ng Department of Health (DOH), ang ikatlong kaso ng HFMD ay nahawa lamang sa unang biktima dahil magkaklase ito habang ang ika-apat na kaso ay pinsan naman ng ikatlong biktima.
Ang naging mode of transmission nito ay sa pamamagitan ng madalas na pakikipag-usap ng mga biktima sa iba pang unsuspecting victims.
Napag-alaman na napakabilis na kumalat ng viral infection lalot magkakatalsikan ng laway ang mga carrier nito sa isang unsuspecting victim.
Sinabi ni Sec. Alberto Romualdez Jr., na mayroon ng mahigpit na pagbabantay na ginagawa ang World Health Organization-Western Pacific Regional Office upang matiyak na hindi matutulad sa mga bansang Malaysia, Taiwan at Singapore ang Pilipinas kung saan ay nagkaroon na muna ng outbreak bago nakontrol.
Ang HFMD ay isang viral disease na galing sa Coxsackle virus o Enterovirus 71 A at umaatake sa mga paslit na edad isa hanggang 10.
Karaniwan na lumilitaw ang sintomas ng HFMD makalipas ang limang araw na exposure sa virus. Magkakaroon ng singaw sa bibig, pamumula at pamamantal sa mga kamay at paa at pagkalipas pa ng ilang araw ay mauuwi na sa lagnat, sipon, sore throat at mawawalan na ng ganang kumain ang biktima.
Nabatid na mayroon ng 400 na kabuuang kaso ng HFMD sa Singapore kung saan ay apat na dito ang namatay base sa huling record nito noong Oct. 18.
Unang lumitaw ang HFMD sa Taiwan noong 1997 at Malaysia naman noong 1998.
Kaugnay nito, nagbabala ang DOH sa mga paaralan na maging alerto sa HFMD sa kanilang mga estudyante at sakaling makakita ng mga butlig sa katawan na siyang unang senyales sa pagkakaroon ng sakit ay ipagbigay-alam agad sa kanilang tanggapan. (Ulat ni Andi Garcia)