Sinabi ni Supt. Gilberto Cruz, hepe ng San Juan police, sa halip na agad na ibigay sa kanilang mga magulang ang naarestong mga estudyante ng San Juan Municipal High School, pinag-aaralan niya ang pagpapasailalim ng mga ito sa walong oras na community work bilang parusa.
Nabatid na napakaraming reklamo ang natatanggap ng pulisya mula sa mga magulang ukol sa pagka-adik ng mga estudyante sa bilyar at sa halip na sa paaralan pumasok ay sa bilyaran namamalagi at dito inuubos ang kanilang mga baon.
Naaresto ang mga kabataan dakong alas-7 ng umaga habang naglalaro sa Hotspot Billiard sa N. Domingo st., San Juan. Ikinatwiran pa ng isa na huli na sila sa klase kaya nagpapalipas na lang ng oras sa bilyaran na kinahuhumalingan na ngayon.
Sinabi ni Cruz na maaari umanong paglinisin nila ang mga estudyante sa mga bahay-ampunan sa San Juan at pag-alagain ng mga ulila upang mabatid ng mga ito kung gaano sila kasuwerte dahil sa may mga magulang silang nagpapaaral sa kanila.
Sa ilalim din ng ipinapatupad na ordinansa, pagmumultahin ang bilyarang mahuhulihan na may mga menor-de-edad na naglalaro sa kanila. Maaari ring mapaso ang permit nito kapag tuluy-tuloy ang paglabag dito na mahigpit na ipinapatupad ngayon ng pulisya dahil sa napakaraming bilyarang nagsulputan.
Sinabi ni Cruz na magpapadala sila ng notice sa may-ari ng Hotspot Billiard at nakatakda nilang sampahan ng kaukulang kaso. (Ulat ni Danilo Garcia)