Ayon sa mapagkakatiwalaang source, siniguro nito na may plano si Mark Jimenez (Mark Crespo sa tunay na buhay) na tumakbo bilang alkalde ng Maynila laban kina Mayor Atienza at Sec. Lim.
Inaasahan naman ni Jimenez, kasalukuyang chairman of the board ng bagong Manila Times, na siya ang magiging opisyal na kandidato ng Lapian ng Masang Pilipino (LAMP) ni Pangulong Estrada.
"Siyempre, mas malapit siya (Jimenez) kay Pangulong Estrada kaysa kina Atienza at Lim kaya malaki ang tsansa niyang mapagwagian ang darating na mayoral elections sa Maynila," wika pa ng source.
Idinagdag pa ng impormante, wala na umanong plano si dating First Lady Imelda Marcos na tumakbong mayor ng Maynila kundi ang tinatarget nito ay ang congressional seat sa 6th District.
Nabatid din na maging si Sec. Lim ay hindi pa rin umano desidido kung tatakbo ito bilang alkalde ng Maynila matapos "payuhan" daw ito ng Iglesia ni Cristo (INC) na huwag tumuloy sa kanyang plano.
Inihayag naman kamakalawa ni Lim na wala rin siyang plano na tumakbo bilang senador sa darating na halalan kahit siya ang nangunguna sa ibat ibang surveys. (Ulat ni Rudy Andal)