Libong guro sa Metro di pa nakakasahod

Nanawagan kahapon ang tinatayang 14,000 mga guro kina Pangulong Estrada at Department of Education, Culture and Sports (DECS) Sec. Andrew Gonzalez na magbitiw na lamang sa tungkulin kung patuloy na hindi nila magagampanan ang pagpapasahod sa kanila sa takdang oras.

Sa piket rally na isinagawa ng Manila Public School Teachers Association (MPSTA) sa DECS-National Capital Region kahapon, sinabi ng mga ito na patuloy pa rin nilang hindi natatanggap ngayong buwan ang kanilang sahod.

Ipinangako umano sa kanila na maibibigay ang kanilang regular na sahod noong Oktubre 18 ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito naibibigay. Ikinatwiran umano ng DECS ang naganap na blackout noong Okt. 20 kaya hindi naasikaso ang kanilang sahod.

Dahil dito, marami umano sa kanila ang nabaon sa utang dahil sa hindi pagkatanggap ng kanilang suweldo.

Ibinagsak nila ang sisi kay Pangulong Estrada at kay Gonzalez dahil sa kapabayaan umano nila sa kanilang responsibilidad. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments