Pulis natodas sa pagpapapayat

Isang police officer ang namatay matapos itong himatayin sanhi ng sobrang pagod sa pag-eehersisyo sa loob ng Camp Crame dahilan sa pagnanais na makapasa sa minimum na 34 inches na sukat ng baywang sa ilalim ng ipinatutupad na Physical Fitness Test (PFT) ni PNP Chief Director General Panfilo Lacson.

Kinilala ang nasawing si SPO2 Ricardo Oñes, 44, nakatalaga sa Civil Security Group ng Camp Crame.

Nabatid na naganap ang insidente bandang 8:30 ng umaga habang sumasailalim ito sa PFT kung saan ay hindi pa natatapos ng biktima ang 1-kilometer jog walk sa loob ng PNP grandstand nang bigla na lamang itong mag-collapse at bumagsak sa semento ang ulo at saka tuluyang nawalan ng malay-tao.

Agad na isinakay sa ambulansiya ang biktima ng mga kasamahan nitong pulis na sumasailalim din sa training course at isinugod sa PNP General Hospital subalit idineklarang dead-on-arrival ng mga doktor.

Ayon kay Sr. Supt. Nicanor Bartolome, PNP spokesman, ipinag-utos ni Lacson na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang alamin ang sanhi ng pagkamatay ni Oñes dahil nagtataka rin ang ilang doktor na tumingin kay Oñes bago ito sumailalim sa PFT dahil pasado ito sa lahat ng eksaminasyon.

Ayon kay Bartolome, base sa ginawang pagsusuri ng mga manggagamot na tumingin kay Oñes, maayos naman umano ang blood pressure nito, maging ang electrocardiogram (ECG) at 29 inches waistline, ayon naman kay Supt. Adriel Guerrero, doktor na nangangasiwa ng PFT kahapon sa PNP grandstand.

Naging matindi umano ang kagustuhan ni Oñes na pumayat kaysa ang masibak sa serbisyo kapag hindi ito pumasa sa nasabing physical fitness test.

Magugunita na maliban sa biktima ay dalawang pulis na ang namamatay sa pag-eehersisyo, isa mula sa Tarlac at isa mula sa Bicol simula nang ipatupad ang PFT bilang isa sa kanyang mga programa na baguhin ang imahe ng pambansang pulisya nang sa gayon ay maayos ang mga itong makatupad sa tungkulin.(Ulat ni Joy Cantos)

Show comments