Malubha sa Rizal Medical Center si Jeffrey Sosa, 16, estudyante ng Rizal High School at residente ng 23-C E. Mendoza st., Bgy. Buting, Pasig City.
Nakakulong sa Pasig detention cell ang naarestong suspek na si Daniel Trocio, 15, ng 160-C Victorino st., Bgy. Santolan.
Sa imbestigasyon ni PO1 Roland Panis, ng Criminal Investigation Division, naglalaro umano ang dalawa ng sugal na "digit" kung saan kukuha ang bawat isa ng tatlong numero sa anim na nakalagay na serial number sa pera. Kung alin sa mga numero ang mas mataas, ito ang mananalo.
Nabatid na tinalo umano ng biktima si Trocio ngunit nadiskubre ng huli na nandaya si Sosa sa paggamit ng dalawang salaping tig-P20. Dito nagalit ang biktima at tinakot ang suspek na aabangan kinabukasan at gugulpihin kasama ang mga kabarkada nito.
Kinabukasan, hindi na pumasok ng klase si Trocio at umaligid-aligid na lamang sa labas ng paaralan. Nang makitang lumabas ng silid-aralan ang kanilang guro sa Mathematics dakong alas-2:15 ng hapon, agad na pumasok sa classroom si Trocio at inundayan ng saksak si Sosa.
Nagtamo ng 15 saksak kung saan karamihan dito ay tumama lamang sa balikat at mukha ni Sosa. Agad namang naaresto ng mga awtoridad si Trocio at nakuha sa kanya ang 13-pulgadang haba ng kutsilyo na ginamit niya.
Inihahanda ng pulisya ang pagsasampa ng kasong frustrated murder laban sa batang suspek. (Ulat ni Danilo Garcia)