Patay na isinugod sa San Juan Medical Center dahil sa apat na tama ng saksak sa katawan ang biktimang si Marcelo Esmedia Jr., 48, may asawa, walang trabaho, at residente ng #550 F. Manalo st., San Juan.
Kasalukuyan namang ginagamot sa loob ng St. Martin de Porres Hospital ang suspek na si Danilo Puclaran, alyas Gag, may asawa, tricycle driver, ng #135 A. Rita st., corner A. Bonifacio st., San Juan.
Sa imbestigasyon ni PO2 Joel Macabasag, ng Criminal Investigation Division, naganap ang insidente sa loob ng isang iligal na bahay-sugalan sa lugar ng biktima. Naglalaro umano ng mahjong si Esmedia nang dumating ang suspek at bigla siyang tinadyakan na ikinabuwal niya.
Bago pa makabangon si Esmedia ay agad na bumunot ng balisong si Puclaran at pinitsarahan sa kamiseta ang biktima sabay ng pagsasabing, "Kasalanan mo ito, kasalanan mo ito!"
Dahil sa ingay ng komosyon, agad na naglabasan ang mga kapitbahay ng biktima upang mag-usyoso. Dito nakakuha ng pagkakataon ang biktima na makapalag sa pagkakakapit ng suspek at makatakas.
Agad na kumuha ng sarili niyang balisong si Esmedia sa loob ng kanyang bahay at nilabas ang suspek. Nagpang-abot ang dalawa sa gitna ng kalsada sa harap ng sugalan at parang shooting sa pelikula na pinanood ng mga kapitbahay ang madugong pagpapalitan ng saksak ng dalawa hanggang sa tuluyang nalugmok sa semento si Esmedia.
Ayon kay Macabasag, galit na galit umano si Puclaran sa biktima dahil sa ginawa niyang panunulsol at pagkunsinti sa bawal na relasyon ng kanyang asawa at kaibigan nitong si Edgar Serame.
Hindi umano liligawan at makakarelasyon ng kanyang asawa si Serame kung hindi sinulsulan nito. Nagmistula na umanong masamang panaginip ngayon ang relasyon nilang mag-asawa dahil sa pakikipagrelasyon ng kanyang asawa. (Ulat ni Danilo Garcia)