Kasalukuyang ginagamot sa Tondo Medical Center sina Mario Torres, kapitan ng fishing boat; Joelito Ababao, Pronto Joy, Bernard Caldino, Ronald Dasillo, Leandro delos Santos, Gonzales Leonardo Jr., Bernard Belleza at Noel Concepcion.
Sina Belleza at Concepcion ay inilipat sa Chinese General Hospital matapos na 90 porsiyento ng kanilang katawan ay masunog at kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon.
Base sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Sr. Supt. Omar Querubin, NCR-Maritime office director, dakong alas-9 ng umaga nang sumabog ang F/B Villy Oliver na pag-aari ng RBL Fishing Corp., may 200 metro ang layo sa pampang ng Market 1 Pier 1, Navotas Fishport complex ng nasabing bayan.
Kasalukuyan umanong may kinukumpuni ang mga tripulante ng nasabing fishing boat sa engine room nang hindi namalayan ng mga ito na sumingaw ang linya ng LPG tank at tumuloy ang leak sa lugar na pinaggagawaan ng mga ito.
Bigla na lamang sumambulat ang buong engine room kung saan sina Belleza at Concepcion ang pinakamalubhang nasunog ang katawan samantalang patuloy pa ring pinaghahanap ang isa na nakilala lamang sa pangalang Nuevo na tumilapon umano sa lakas ng impact ng pagsabog.
Patuloy na nagsasagawa ng malalim na imbestigasyon ang mga tauhan ng Maritime Command kung sinadya o aksidente ang nangyari. (Ulat ni Gemma Amargo)