Lolo nag-suicide dahil sa hika

Dahil hindi na umano makayanan ang sakit niyang hika, isang 60-anyos na lolo ang nagpakamatay sa pamamagitan ng "hara-kiri", kamakalawa ng gabi sa Balintawak, Quezon City.

Si Nicanor Bagatas, may asawa at nakatira sa A. Samson st., Balintawa, QC ay natagpuan ng kanyang asawang si Pacita na may nakatarak na patalim sa tapat ng puso nito sa loob ng kanilang banyo. Dead-on-arrival ito sa Quezon City General Hospital.

Ayon kay Pacita, bago magtungo sa kanilang banyo ang kanyang mister ay sinusumpong ito ng kanyang sakit na hika kaya hirap na hirap itong huminga.

Nagpaalam ang biktima na magtutungo sa banyo upang maghilamos subalit ilang minuto na ang nakakalipas ay hindi pa bumabalik ang kanyang mister kaya sinundan niya ito sa banyo hanggang maabutan ang biktima na nakabulagta at duguan at may nakatarak na patalim sa tapat ng puso nito.

Ipinapalagay ni Pacita na ipinasyang magpatiwakal ng kanyang asawa dahil hindi na umano nito makayanan ang paghihirap sa paghinga sanhi ng sakit nitong hika. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments