Bading tiklo sa pagnanakaw sa simbahan

Idinahilan ng isang 41-anyos na bakla na pansustento umano sa kanyang pinakamamahal na "Papa" kaya napupuwersa siyang magnakaw sa simbahan kahapon ng umaga sa Mandaluyong City.

Nabulabog ang misa sa loob ng St. Francis church sa may Shaw Blvd., ng nasabing lungsod dakong alas-11 ng umaga nang magtitili at mabuko ng biktimang si Marilyn Telan, 46, guro ng #315 E. Dela Paz St., Garden Compound, ang tangkang pagtangay sa kanyang bag ng suspek na si Mario Borja, beautician, ng Concepcion Aguila St., Quiapo, Manila.

Kasalukuyan umano siyang nagdadasal nang itaas ng pari ang kalis at tinapay na bahagi ng misa, ngunit hindi niya ipinikit ang mga mata at nakita ang suspek na palihim at dahan-dahang kinukuha ang kanyang bag.

Hinablot ng suspek ang bag at mabilis na tumakas subalit nakahingi ng tulong si Telan mula sa mga kalalakihang nagsisimba na siyang kumorner sa baklang suspek at naaresto.

Ayon kay Borja, ginagawa umano niya ang pagnanakaw dahil sa matinding pangangailangan ng kanyang 18-anyos na boyfriend dahil hindi nagkakasya ang kanyang kinikita mula sa parlor.

Itinuro rin ang suspek na siyang tumangay ng isang cellphone at salapi sa naturang simbahan noong mga nakaraang araw.

Kasalukuyang nakapiit sa Mandaluyong Police Detention Cell si Borja na nahaharap sa kasong theft. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments