Love triangle ugat sa Ermita masaker

Love triangle umano at hindi pagnanakaw ang motibo ng mga suspek sa naganap na masaker kamakalawa ng umaga sa Ermita, Maynila na ikinasawi ng isang negosyanteng Intsik at dalawa nitong tauhan.

Ang naturang anggulo ang pinaniniwalaan ng pulisya sa naganap na krimen bunsod na rin ng halos isang linggong pakikipag-usap ng isang ‘‘Ella’’ sa biktimang si Bobby Sy, 26, may-asawa, may-ari ng Up to Date Merchandising na nasa Pedro Gil, Ermita.

Sa huli umanong bilin ni Sy, sa isa nitong empleado. ‘‘Pag may tumawag sa akin na nagngangalang Ella, sabihin mo wala ako.’’

Malaki ang hinala ng pulisya na may kinalaman si Ella sa naturang krimen at maaaring siya ang ‘‘utak’’ sa naganap na masaker.

Sa nabanggit na masaker nadamay dito ang mga tauhan ni Sy na sina Rosemarie dela Cruz 28, at Rolando Figueroa, 37, na pawang stay-in.

Upang umano’y mailigaw ang pulisya sa nangyaring krimen, nilimas ng 5 hanggang 7 suspek ang dalawang kahon ng cellcards.

Plinano ang pagpatay sa mga biktima dahil pinosasan muna ang mga kamay, binalutan ng packaging tape ang mga mukha at patalikod na pinagbabaril sa ulo ang mga ito.

Ang bangkay ng tatlo ay natagpuan ng isang Cherry Castro, empleada din sa nasabing cellphone store na nakapatong at nakasiksik sa kubeta ng tindahan.

Nabatid naman kay Gina Sy (asawa ni Bobby) kahahatid lamang nito sa asawa sa harap ng kanilang tindahan dakong alas-8:00 ng umaga sakay ng L300 at isa’t kalahating oras ang lumipas bago natagpuang patay ang mga biktima. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments