Natagpuang magkakapatong sa loob ng comfort room ang mga bangkay nina Bobby Sy, 26, may asawa, may-ari ng Up to Date Merchandising na nasa Tierra Global building sa kanto ng Pedro Gil at Vasquez sts., Ermita at ang dalawa nitong empleyado na sina Rosemarie dela Cruz, 28, at Rolando Figueroa, 37, pawang stay-in sa naturang tindahan. Nakaposas ang mga kamay ng mga biktima at binalutan ng packaging tape ang mga mukha bago patalikod na pinagbabaril sa kanilang mga ulo. Sina Sy at dela Cruz ay nagtamo ng tig-dalawang tama ng bala habang si Figueroa ay isang tama.
Sa isinagawang imbestigasyon ni detective Edison Bertolodo, ng Western Police District-Homicide Division, nadiskubre ang mga bangkay dakong alas-9:30 ng umaga ng dumating para pumasok sa nasabing tindahan ang isa pang empleyado na si Cherry Castro.
Ayon kay Castro, napansin niya na magulo ang paligid ng tindahan at nagulat ito ng makitang parang mga patay na baboy na duguang magkakapatong na isiniksik sa loob ng kubeta ang mga biktima.
Agad itong humingi ng tulong sa pulisya at naabutan pang humihinga si Figueroa kaya’t agad itong isinugod sa PGH ngunit namatay din.
Ayon pa kay Castro, nahuli lamang siya ng ilang minuto sa pagpasok sa nasabing tindahan at kung sumabay anya siya kay dela Cruz ay posibleng nakasama ito sa napatay.
Naunang napaulat na nawawala ang di pa mabatid na halaga ng pera, mamahaling mga cellphone at SIM cards na tinda ng biktima, subalit sa panayam sa isang imbestigador, wala umanong nawalang cellphone, pera at mga alahas, maliban sa dalawang maliit na kahon na naglalaman ng cell cards.
Pinabulaanan ng mga imbestigador na cellphone gang ang tumira sa mga biktima at hinihinalang si Sy lamang ang talagang pakay at nadamay lamang ang dalawa nitong tauhan.
Dalawang anggulo ang sinisiyasat ng pulisya na may kaugnayan umano sa malaking pagkakautang ni Sy at may kinalaman sa isang nagngangalang Ella na malimit umanong tumawag kay Sy. Bago maganap ang krimen ay muling tumawag ang babae ngunit tumangging kausapin ng biktima. (Ulat nina Ellen Fernando at Mario D. Basco)