Sa reklamo ni Fabregas, 24, ng A-16 Casa Verde Townhomes, Laneza-Rodriguez Ave., Bgy. Ugong, tinatahak niya ang kahabaan ng C-5 dakong alas-12:30 ng tanghali lulan ng kanyang puting Volkswagen Polo Classic na may plakang (ULP-618) ng gumewang ang gulong kaya ipinarada niya ito sa gilid ng kalsada.
Agad niyang tinawagan ang family driver nila at Auto Savers Club upang dalhin ang kanyang sasakyan, ngunit naunang dumating ang tow truck ng MMDA.
Ayon kay Fabregas, pinapili umano siya ng tauhan ng MMDA na si Rolando Correa na magbigay ng P1,000 upang tulungang dalhin ang kotse niya pauwi o tuluyang hatakin ito at masingil ng P1,500 kapag tinubos na.
Tumanggi si Fabregas at piniling i-tow na lamang ang sasakyan. Matapos niyang matubos ang kanyang sasakyan ay nakatakdang magsampa ng pormal na reklamo sa MMDA si Fabregas laban kay Correa at mga kasamahan nito. (Ulat ni Danilo Garcia)