Kinilala ni NBI Director Federico M. Opinion Jr. ang mga suspek na sina David Fuentes, 43, may asawa, negosyante at residente ng 59 Anahaw st., Project 7, Quezon city at si Juliet Gercio, 40, may asawa, ng Don Jose st., Doña Rita Bgy. C-3 Caloocan City.
Nabatid sa imbestigasyon ng Interpol Division sa pamumuno ni Atty. Ricardo Diaz na nakatanggap sila ng impormasyon na ang mga suspek ay naghahanap ng kanilang mga biktima na kayang magbayad ng hanggang P300,000 para sa non-immigrant US visa na kung saan ang mga suspek ang siyang magpoproseso nang hindi na kailangan pang magtungo sa US Embassy nang personal.
Nagpanggap ang dalawang NBI agents at umaktong mag-asawa upang kumuha ng nasabing US visa at nagtungo sa bahay ni Gercio sa Caloocan City noong Sept. 14, 2000.
Makalipas ang isang linggo ay nagtagpo sa isang restaurant ang dalawang undercover agents at ang mga suspek upang ibigay ang down payment na P25,000. Sinabi ng mga suspek na makukuha nila ang kanilang passports na kasama na ang US visa sa Oct. 2 sa isang restaurant sa Quezon City.
Nang matukoy ang petsa ng kanilang muling pagtatagpo ay kaagad na kumuha ng search warrant ang mga ahente sa sala ni Judge Hilario Laqui at noong Oct. 2 sa sinabing restaurant matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money na P275,000 ay inaresto ang dalawa ng nakaantabay na mga NBI agents.
Nabatid sa beripikasyon ng NBI mula sa Department of Foreign Affairs na ang mga passport na ibinigay sa dalawang undercover agents ay pawang orihinal na inisyu sa magkakaibang aplikante.
Kasong paglabag sa R.A. 8239 (Phil. Passport Act) ang siyang isasampa laban sa mga suspek. (Ulat ni Andi Garcia)