Dalaga pisak sa 10 wheeler truck

Nasawi ang isang 21-anyos na dalaga, matapos itong mapisak ng isang ten wheeler truck habang papatawid kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.

Namatay noon din ang biktima na nakilalang si Jennifer Gonzaga, nagtatrabaho sa Michelle Lechon, nakatira sa Urci Town Homes, Barangay Pamplona, ng nabanggit na lungsod.

Kusang loob namang sumuko sa Las Piñas City Traffic Police ang driver na nakasagasa dito na nakilalang si Manny Estavalla De Dios, 27, nakatira sa no. 192 Sabolo St., Dagat-Dagatan, Malabon.

Base sa imbestigasyon ni SPO4 Domingo Blando, naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi.

Habang papatawid ang dalaga sa kahabaan ng Real St., Barangay Pamplona ng nabanggit na lungsod, hindi nito namalayan ang paparating na ten wheeler truck na may plakang TSM-833 na pag-aari ng Brokerage Forwarder at minamaneho ni Estavalla.

Hindi umano nakontrol ng driver ang minamanehong sasakyan hanggang sa mahagip ang nasabing dalaga na kaagad nitong ikinasawi. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments