Nawawalang Taiwanese trader, kumpirmadong patay na – PNP
LAGUNA, Philippines — Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na patay na ang Taiwanese businessman na mahigit dalawang buwan nang nawawala matapos na madiskubre ang bangkay nito sa tabing ilog ng Santa Rosa City.
Ayon sa lokal na pulisya, ang bangkay na nakuha ay natukoy na si Kuo-Wen Hung, 47, residente ng Barangay Merville, Parañaque City, na naiulat na nawawala simula pa noong Oktubre 10, 2024.
Ayon sa isang imbestigador, base sa isinagawang DNA test, lumabas ang resulta nitong Disyembre 17 na si Kuo-Wen Hung at ang narekober na bangkay ay iisang tao.
Sinabi ng pulisya na ang mga labi ni Hung ay nai-turnover na sa kanyang misis na kapwa Taiwanese at na-cremate na rin ito noong Disyembre 18.
Isang special investigation task force ang nakatakdang buuin habang ang PNP anti-kidnapping group (AKG) ay makakatuwang nito para magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa pagdukot at pagpatay sa nasabing negosyanteng Taiwanese.
“The provincial police office are planning to create a SITG with composed of a group of CIDG4a, HPG4A, Forensic Units and Provincial Intelligence Unit and Provincial Intelligence Unit and local police to handle Hung’s murder case,” ayon sa isang police official.
Tinitingnan ng mga imbestigador ang “abduction” at “robbery” na mga motibo sa krimen dahil sa nawawala ang mga personal na kagamitan ng Taiwanese nang marekober ito.
Nabatid na unang natunton ng Highway Patrol Group-Calabarzon operatives ang abadonadong sasakyan ni Hung na pulang Volkswagen (NFK-9019) sa Brgy. Santa Cruz noong Nob. 20, sa may Santa Rosa northbound toll plaza sa Laguna.
Ang nasabing kotse ay iniwan ng ‘di kilalang tao sa lugar, may ilang linggo na ang nakalilipas.
Narekober din ng pulisya ang isang patay na lalaki na may mga tama ng bala sa ulo sa isang bahagi ng Barangay Don Jose, Santa Rosa City na nasa katimugang bahagi ng Metro Manila, noong Oct. 25. Ang bangkay ay isinailalim sa awtopsiya at DNA test at lumabas na ito ang nawawalang Taiwanese national.
- Latest