MANILA, Philippines - Gusto kong isiping, na kahit hindi ako isang ganap na “manunulat,” may kakayahan naman ako sa napili kong propesyon. Lahat ng natutunan ko, napag-aralan ko sa paggawa at pagkakamali. Hindi ako dalubhasa at marami pa akong bigas na kailangang kainin. Ngunit lahat ng aking naisulat, hanggang sa araw na ito, ay nasa wikang Ingles, at isa lang ang kinakatakutan kong gawin bilang isang manunulat: magsulat gamit ang wikang Filipino.
Nakakatawang isipin, kasi dapat lang na ang isang manunulat sa Pilipinas ay mayroong kakayahang gumawa ng mga akda gamit ang Filipino — ito nga naman ang ating Inang Wika. Ito ang problema: wala akong kumpiyansang magsulat gamit ito. Ang bokabularyo ko ay limitado sa mga pang araw-araw na salita; kadalasan ay nagiging Taglish pa.
Lumaki ako sa wikang Ingles. Magaling ang ate ko sa pagsulat at pagsalita ng Ingles, at tiningalaan siya dahil dito. Sa kanya ko unang nakita ang kahalagahan ng pagsalita nito, at kung saan ka nito pwedeng dalhin sa buhay. Malaki ang aming pribilehiyong makapag-aral sa isang pribadong paaralan. At kahit na Filipino ang wikang ginagamit namin sa bahay, Ingles ang wikang de facto sa eskwelahan, kung saan ay bunging Tagalog lamang ang nakakaya ng karamihan. Mayroon akong isang kaklaseng akala ay ang Tagalog para sa “finger” ay “pinggero” (Ang tamang salita ay “daliri,” para sa mga hindi pa nakakaalam, o ‘di kaya’y naguluhan ngayon lang. Walang anuman.)
Hayaan niyo akong ipinta ang aking kawalang-kakayahan sa ating Inang Wika: para lamang masulat itong sanaysay na ‘to, kinailangan kong isulat ang balangkas nito sa Ingles, at isinalin ko na lang pagkatapos. Nagawa ko na rin ang aking pinaka-kinakatakutang gawin sa prosesong ito — buksan at gamitin ang Google Translate. Hindi naman umabot sa antas ng “pinggero”, pero malapit na. Paano ko nga ba isusulat ang aking mga saloobin sa isang wikang wala akong kapangyarihan gamitin? Paano ko ito aayusin?
Ilang araw na pagpapaliban ang dumaan sa pagsulat ng sanaysay na ito, ilang araw na ako’y paralisado at nag-iisip kung paano ko siya isusulat. May dumating na mahalangang tanong: bakit nga ba natin itinitingala ang kahusayan sa Ingles, at sa paggawa nito, kinukutya ang Filipino? Mayroong argumento na ang Ingles ay ang wikang “international” at ito naman ay may katotohanan — ngunit bakit ito nagiging batayan ng kahusayan, kaalaman, at estado sa buhay? Noong ako’y tumungtong sa kolehiyo, namulat ang pag-iisip ko na ang Filipino ay isang wika na may kakayahang maka-mangha, sa parehong antas ng kahit anong wika, kabilang ang Ingles.
Ang Filipino ay isang wika na punong puno ng magagandang salita. Ito ay nagdadala ng wika na may kakayahang magpahiwatig ng mga emosyon na walang kapantay. Ito ay madamdamin; puno ng pagkahumaling, kalinga, at siklab. Wala pa ring katumbas ang marinig o isulat ang damdamin ng “kilig,” o di kaya ang lutong at siklab ng “p*utang ina!” Hindi ba?
Aaminin ko, marami pa akong kailangang matutunan sa pagsusulat, at sa paggamit ng Filipino upang magamit ito ng mayroong kahit kaunting kahusayan. Ngunit hindi dapat natin hayaan maging hadlang ang Ingles — at ang kulturang tumitingala dito — upang ipagdiwang ang ating sariling wika. Hindi lang natin dapat ito ipagdiwang dahil ito’y atin, kung hindi dahil ito’y napakaganda, at walang kapantay. Oras na para kumain pa ng bigas.