Saleslady, live-in partner inaresto sa pagnanakaw ng higit P10 milyong alahas
MANILA, Philippines — Isang saleslady at kanyang live-in partner sa Naic, Cavite ang inaresto ng mga pulis dahil sa pagnanakaw ng mga alahas sa isang tindahan sa Sta. Cruz, Maynila, noong Sabado.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Cheril Vandidato, 39, saleslady, nakatira sa Naic, Cavite na kinasuhan ng qualified theft at Jeffrey Logronio, nasa hustong gulang; na kinasuhan ng theft.
Sa ulat ng MPD-Meisic Police Station 11, alas-9:02 ng umaga nang pumasok sa jewelry store sa No. 764 F. Torres St., Sta. Cruz, Maynila ang suspek na si Logronio na nakasuot ng orange long-sleeves shirt, helmet, at backpack.
Makikita sa CCTV ng tindahan na tinutukan ng holdaper ang saleslady ng baril. Iniabot ng suspek ang isang berdeng ecobag na nilagyan ni Vandidato ng hindi madeterminang dami ng gintong alahas.
Agad na umalis sa lugar ang suspek sakay ng isang motorsiklo ngunit hindi agad ito iniulat ng saleslady sa mga otoridad. Dakong alas-10:10 na ng umaga nang ipagbigay-alam niya ang panghoholdap sa mga istambay sa lugar at bago sa pulisya.
Dahil dito, pinaaresto rin si Vandidato ng may-ari ng tindahan na si Patrick Oraa, dahil sa hinalang kasabwat ni Logronio. Nadakip sa follow-up operation ng pulisya ang suspek na si Logronio at nabawi sa kanya ang nasa 3.5 kilo ng gintong alahas na may halagang P10.5 milyon.
- Latest