National boxers sunod na sasalang sa 19th Asian Games sa Setyembre
MANILA, Philippines — Matapos ang matagumpay na kampanya sa nakaraang 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia ay paghahandaan naman ng mga national boxers ang 19th Asian Games sa Hangzhou, China sa Setyembre.
Sumuntok ang mga Pinoy pugs ng kabuuang apat na gold, limang silver at isang bronze medals sa nasabing biennial event.
Ang apat na gintong medalya ay nagmula kina Tokyo Olympic silver winners Carlo Paalam at Nesthy Petecio, Ian Clark Bautista at Paul Bascon.
Inaasahang isasabak muli ng Association of Boxing Alliances of the Phillippines (ABAP) ang mga boksingero sa mga international training at competitions bago ilaban sa Hangzhou Asiad na nakatakda sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 8.
Ang naturang quadrennial meet ay magsisilbing isa sa mga qualifying tournaments para sa 2024 Paris Olympics.
Kaya naman hangad nina Paalam, Petecio at Tokyo Olympic bronze medalist Eumir Felix Marcial ang tiket sa Paris Games.
Bigo sina Paalam, Petecio at Marcial na maduplika ang kauna-unahang Olympic gold ng Pilipinas na binuhat ni weightlifter Hidilyn Diaz.
Sumasabak rin si Diaz sa mga qualifying competitions para muling makapasok sa 2024 Paris Olympics.
Sinabi ni Diaz na ito na ang magiging huli niyang torneo bago tuluyang magretiro at maging miyembro ng national coaching staff.
Samantala, dalawang silya lamang ang nakataya sa women’s flyweight, (50kg), bantamweight (54kg), featherweight (57kg) at lightweight (60kg) para sa 2024 Paris Olympics.
Ang tubong Davao na si Petecio ay lumalaban sa featherweight division.
Sa huling Asian Games noong 2018 na idinaos sa Palembang, Indonesia ay sumuntok ng silver si Rogen Ladon, habang may bronze namang nakolekta sina Paalam at Marcial.
Si Rey Saludar ang huling Pinoy fighter na nanalo ng gold medal sa Asiad na nangyari noong 2010 at ginawa sa Guangzhou, China.
- Latest