PSI, DepEd pipirma sa MOU para sa Smart ID
MANILA, Philippines - Nakatakdang pirmahan ng Philippine Sports Institute at Department of Education (DepEd) ang Memorandum of Agreement (MOU) sa susunod na buwan para gagamitin na ang Sports Mapping Action Research Talent Identification (Smart ID) bilang programa sa pagdiskubre ng potential athletes simula sa 2017 Palarong Pambansa na gaganapin sa San Jose de Buenavista, Antique.
Ayon kay Prof. Henry Daut, ang head ng grassroot development program ng PSI, na sa kanilang pag-uusap ni Dr. Cesar Abalon, head ng sports development ng DepEd, napagkasunduan na nila ang tungkol sa Smart ID.
Nakatakdang magpulong ulit ang mga opisyales ng DepEd at PSI upang lagdaan ang Memorandum of Agreement (MOU) sa Maynila.
“In our initial discussion, we have agreed already about this program. They asked us to submit our programs and we did. So we will again meet sometime next month to sign the MOU,” sabi ni Daut sa isinagawang Smart ID Train the Trainers Program dito sa Davao del Norte Sports and Tourism Complex.
Bukod sa talent identification program, ang iba pang programa na ini-endorso ng PSI ay ang Sports Education Program para naman sa mga Physical Education (PE) teachers, mga trainers at coaches sa ilalim ng DepEd.
Pagkatapos ng Mindanao swing, tutuloy ang PSI sa Aklan sa susunod na buwan para sa pagdaraos ng Visayas Leg ng Smart ID Train the Trainers program.
- Latest