fresh no ads
Sinehan sa isang museo: Karatula o Obra? | Philstar.com
^

Arts and Culture

Sinehan sa isang museo: Karatula o Obra?

Maria Lourdes Garcellano - The Philippine Star
Sinehan sa isang museo: Karatula o Obra?
Posters from “Vic Delotavo: Posters for Philippine Cinema” at the Vargas Museum

(Maria Lourdes “Diday” Garcellano received a special citation for her entry in this year’s Purita Kalaw-Ledesma Prizes in Art Criticism for her inspired use of Pilipino in writing her essay. Diday is a professional musician, voice-over artist, businesswoman, and an art enthusiast. She believes that art is not a dogma wherein it is absolute, fixed or has a set of limiting rules to follow; art liberates people from the restrictions of the world and more often, the limitations we put in our minds. Art expresses and brings people and cultures together.)

Eksibit o sinehan nga ba ang pinasok ko? Libre na ang pagpasok sa UP Vargas Museum ngayon Miyerkules ngunit walang tao ang nagmamasid. Matatagpuan ang samu’t saring karatulang pampelikula mula noong 1980s hanggang panimula ng 1990s ang nakatanghal sa buong unang palapag ng museo. Makulay at dinig na dinig ang pinapalabas na pelikula sa buong palapag ngunit walang nanonood. Hindi naman ito nakakagulat at sadiyang hindi naman galerya ang unang pupuntahan ng tao para gumala lalo na sa panahon ngayong malupit na ang kumpitensya ng mga museo. Posible na nagpunta lamang ako sa patay na araw o posible kayang nananaig pa rin sa madla na ang mga institusyon ng museo, galerya o sining ay pormal at intelektwal? Ang sining ba ay itinakdang maging limitado at tangkilikin lamang ng ilang uri ng mga tao?

Ang ganitong sitwasyon ay hindi kinagisnan ng batikang layout artist na si Vic Delotavo kung saan ang bawat likha niyang karatulang pampelikula ay inaabangan at pinipilahan dahil sa tanyag niyang abilidad na mang-ganyak ng manonood na pilahan ang mga pelikula tulad ng Oro Plata Mata at Shake Rattle and Roll noong 1980s.

Ang dating karatulang tagatis, nagpapasikat sa mga artista’t pinipilahan ng madla sa sinehan ay ngayong matatagpuan na naka eksibit sa UP Vargas Museum, isang tanyag na museo kung saan nakatanghal ang mga likha ni Amorsolo at iba pang National Artist. Lingid sa kaalaman ng marami, bukas na ang pinto ng mga museo tulad ng UP Vargas Museum na kilala sa pagtatanghal ng mga pormal at intelektwal na mga likha ng mga National Artists. Sa katunayan ay kinikilala na bilang anyo ng sining ang mga karatulang pampelikula ni Vic Delotavo na karapatdapat maitanghal sa mga tanyag na institusyon.

Marahil, ano ang pinagkaiba ng National Artist na pintor sa isang layout artist? Maaring nagkakaiba sa gamit, sa edukasyon, at oras na ginugol sa isang obra ngunit pareho lamang ang kanilang layunin — ang pumukaw ng damdamin at sumalamin ng kasalukuyang lipunan gamit ang kanilang obra. Tulad ng mga tanyag na pintor tulad nila Amorsolo, ang mga likha ni Vic Delotavo ay may paglalaan ng oras, maingat na pagproseso sa bawat elemento ng paglikha ng obra at bukod sa lahat, nangungusap, nampupukaw, nang-iintriga, naghihikayat ng madla na panuorin ang isang pelikula. Bago pa man panuorin ang pelikula, ang karatula ni Vic Delotavo ang mang-gaganyak sa mga manunuod sa pamamagitan ng maingat na pagtitipon ng mga konsepto at materyales upang maisagawa ang isang buong karatulang obra.

Ipinakita ang mga ito sa eksibit; ang mga utay-utay at pira-pirasong bahagi ng materyales at elemento, ang mga tala nang sukat ng titik, imahe, at ang kanyang maingat na mga tagubilin sa pagbuo ng karatulang obra. Maihahambing ito sa art movement na tinatawag na collage na nag simula noong panimulang bahagi ng modernism. Ito ay isang anyo ng pag gawa nang isang obra gamit ang iba’t ibang pira-pirasong bagay at ididikit ito upang makagawa ng isang buo at panibagong  obra.  Ito ay pinahusay nang Dada movement noong 1920s upang hamunin ang tradisyunal at pormal na pag-unawa ng institusyon ng sining.

Tulad ng isang pormal na eksibit, naka paskil sa pader ang makukulay na obra at naka-ayon ito sa bawat tema. Naka-ayon ang mga karatula sa tema ng mga pelikulang horror, fantasy, melodrama, comedy, teen flick, at bold films. Bawat tema ay may kanya-kanyang istilo. Ang mga karatulang pang-horror ay ginamitan nang madidilim na kulay na itim at pula at ipinapakita ang takot at nasindak na mga mukha ng mga gumanap na artista. Ang mga pelikulang may temang fantasy, teen flick at comedy ay ginamitan naman nang matitingkad at masasayang kulay tulad nang dilaw at kahel. Naipakita rito ang malawak na saklaw ng husay at kakayahan ni Vic Delotavo sa iba’t ibang tema at istilo.

Talamak sa kanyang mga karatula ang collage ng iba’t ibang elemento ng pelikula — ang mukha ng mga artista, ang imahe ng paksa ng pelikula, mga titik ng mga taong bumuo nito at ang bantog na catch lines ni Vic Delotavo na tiyak aagaw ng atensyon ng manunuod.  Madalas ang mga catch lines ni Vic Delotavo ay naka-ayon sa tema ng pelikula at nagdadagdag intriga tulad na lamang ng catch line sa pelikulang, Machete — “Istatwang kahoy pa lang siya, ginawa na niyang ganap ang pagkababae ko.”  Tulad ng batikang pintor, naiintindihan ni Vic Delotavo ang pupukaw at mag-uugnay sa manunuod at pelikula gamit ang kanyang collage at makabuluhang catch lines.

Bukod sa maayos na pag-aayon ng tema sa eksibit ng mga karatula ni Vic Delotavo, nagsisibling balik-tanaw ang bawat karatula sa kasaysayan ng pelikula sa Pilipinas noong 1980s hanggang 1990s. Isang paglalakad at pasyal ito sa iba’t ibang director, artista at manunulat ng bawat panahong namamayagpag ito. Naipakita rito ang pagbabago ng tinatangkilik na tema, paksa at artista kasabay ng pagsasalamin ng lipunan ng bawat panahon.

Ang pagtatanghal at pagiging bahagi ni Vic Delotavo sa UP Vargas Museum ay tulad nang dada movement na hinahamon ang tradisyunal na pag-unawa ng madla sa sining. Matatawag na wala ito sa lugar o hindi ito bagay na itanghal sa isang tanyag na museo ngunit kung sisikapin nating magsaliksik nang iba’t ibang anyo nang sining at palayain ang mga sarili sa kinagisnang limitadong pag-unawa’t pag-iisip, mabubuksan ang iba’t ibang konsepto at pag-unawa na maaring magpalawak ng ating kaalaman. Kapag lumawak ang ating kaalaman, lalawak ang ating pag-unawa hindi lamang sa sining at sa mga konsepto; kundi sa pakikipag kapwa tao. Sapagkat ang sining ay hindi limitado sa tradisyunal, pormal at intelektwal na ating kinagisnan. Ang sining ay mapagpalaya, nagbibigay kasaysayan sa pagsasalmin ng lipunan at nagsisilbing aral sa ating lahat.

UP VARGAS MUSEUM

VIC DELOTAVO

Philstar
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with