Nais kong maging mabuting Pilipino
Hinog na ang panahon upang muli na naman tayong mangarap bilang mga Pilipino. Ito na rin marahil ang tamang panahon upang makamtan natin ang matagal na nating minimithing pagbabago. Nanumpa na si P-Noy para sa mga Pinoy.
“Kayo ang boss ko,” sabi niya. Ibig sabihin lamang ay handa siyang makinig at tumugon sa mga daing ng sambayanan. Wika pa niya, “Kayo ang aking lakas.” Patunay lamang na umaamin ang Pangulo na dahil siya’y mortal lamang, meron din siyang kahinaan. Ang sinseridad niya sa paglalahad ng kanyang tunay na saloobin ay sumasalamin lamang sa isang walang pag-iimbot na pamamahala. Hindi natin araw-araw maririnig ito sa isang lider. At aasahan natin ang Pangulo sa kanyang mga binitiwang pangako.
“Walang counter flow, walang wang-wang, walang tong,” dagdag pa niya. Ang ibig sabihin lamang ay susunod siya sa mga simpleng patakaran. At naniniwala akong gagawin niya ito. At gagawin ko rin ang sumunod. At gagawin rin ito ng mas nakararami pang Pilipino. Ito ang dapat sapagkat ito’y tama, ito’y matuwid. Kung tutuusin, sa mga simpleng bagay nagmumula ang katiwasayan ng mundo. Simple lamang unawain ang konsepto ng kapayapaan at pag-unlad. Ang hindi pagkalinga sa mga simpleng bagay ang pinagmumulan ng mga kumplikadong suliranin.
Noong tumaya ako kay Noynoy Aquino noong Mayo, alam kong ang tagumpay niya ay magdadala ng maraming pagbabago sa bansa ko. Sinamahan natin siya sa kanyang adhikain sa pagtataguyod ng Bagong Pilipinas. Siya ang nahalal. At hindi doon nagtatapos ang kuwento niya. At hindi rin doon nagtatapos ang kwento natin bilang mga Pilipino.
Sa kanyang pagkakaluklok bilang “tagapagtaguyod ng pag-asa at tagapagmana ng mga suliranin ng ating bayan,” manapa’y dapat na rin sigurong iwaksi ang hidwaang personal na bunsod ng klimang politikal noong nakaraang eleksyon. Sa ganang kanya’y handa na syang patawarin ang mga nagkasala sa kanya. Subalit ang mga nagkasala sa bayan ay dapat humarap sa dambana ng hustisya. Walang utang sa bayan ang hindi maaaring pagbayaran. Hindi ito paghihiganti. Ito ay pagtalima lamang sa isang kasunduan sa pagitan ng Pangulo at ng mga taong kanyang nais paglingkuran.
Aminado ang Pangulo, hindi niya kayang gawing mag-isa ang pamumuno. Paano mo nga naman lalapatan ng solusyon ang lahat ng suliranin ng bansa sa loob ng anim na taon? Dahil tayo ang nagluklok sa kanya, hindi ba’t dapat rin ay kumilala tayo ng responsibilidad sa kung paano niya pamumunuan ang ating bansa? Hindi lahat ay iaatang na lamang sa balikat ng Pangulo. Kung nais natin ng mabuting pamahalaan, dapat rin ay maging mabuti tayong mamamayan.
Nais kong maging mabuting Pilipino sapagkat ang bawat kilos ko’t galaw ay papanday sa kinabukasan ng bayan ko.
Nais kong maging mabuting Pilipino sapagkat ang kinabukasan ng kapwa ko’y nakasalalay sa tamang gawi ko.
Sabi ng Nanay ko na lumuha ng kaigihan habang nanunumpa si P-Noy nang sabay naming sinaksihan sa Quirino Grandstand ang isang kasaysayan na hindi namin malilimutan kailanman, kung sarili lamang ang iisipin, magiging mas madali ang lahat. Subalit hindi lamang nabubuhay ang tao para sa kanyang sarili. Dugtong pa ng Nanay, “Hindi sapat ang magaling na Pinoy, dapat ay mabuti rin.” Batid ng Nanay kong marami pa rin siyang kabutihang maaaring gawin sa kanyang kapwa, sa kanyang bayan. Kung sa edad niyang 66 ay nangangarap pa rin siya para sa bayan niya, ano pa kaya para sa isang 38-anyos na binata ang hindi ko kayang ipangakong kabutihan para sa kapwa ko at aking bansa?
Nais kong maging mabuting Pilipino sapagkat alam kong sa munting kabutihan ko uusbong ang munting pagbabago. Kung bawat Pilipino ay gagawa ng munting kabutihan, maaari na tayong umani ngayon pa lamang ng isang libo’t isang laksang pagbabago.
Nais kong maging mabuting Pilipino.
Nais kong maging maunlad ang bansa ko.
(Para sa inyong kuro-kuro, maaari ninyo akong sulatan sa bumbaki@yahoo.com. Nasa www.twitter.com/bum_tenorio rin ako. Mapagpalang Linggo sa lahat.)