Hiyasmin (238)
MAY itinanong si Nanay Julia kay Mama Lira.
“Huwag ka namang magagalit sa itatanong ko, Mareng Lira, halimbawa na hanapin si Hiyasmin ng tatay niyang Kuwaiti, ano ang gagawin mo? Naisip ko lang bigla. Kasi marami na akong napanood sa TV na may foreigner na hinahanap ang kanilang anak. Natatandaan ko mayroong ipinalabas sa TV na isang Amerikano ang hinanap ang anak niya sa Olongapo. Dating U.S. Navy ang Kano na na-assigned sa Subic Naval Base. Naanakan niya ang isang Pinay na nagtatrabaho sa club. Hinanap ng Kano ang babae pero namatay na pala. Nagkita silang mag-ama. Nasa U.S. na ang anak at maganda ang buhay. Kung hanapin si Hiyasmin ng tatay niya anong masasabi.”
“Sa akin, okey lang na magkita sila, Mareng Julia. Pero alam mo, imposibleng hanapin si Hiyasmin ng tatay niyang Kuwaiti.’’
“Bakit naman, Mareng Lira?’’
“Hindi sa pinipintasan ko ang mga Kuwaiti, pero sa totoo lang masasama ang ugali nila. Wala silang pakialam sa damdamin ng kapwa nila.”
“Talaga?’’
Tumango si Mama Lira.
Samantala, napapansin na pala sila nina Hiyasmin at Dax. Pinanonood sila.
“Kanina pa sila nagkukuwentuhan, Hiyasmin.”
“Tayo siguro ang pinagkukuwentuhan nila.”
“Baka nga, ha-ha-ha!”
Itutuloy
- Latest