Año, buhay na bayani sa gitna ng fake news

MANILA, Philippines — Ipinagtanggol ni Retired Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., si National Security Adviser Eduardo Año sa pamamagitan ng Facebook post kung saan pinabulaanan ang alegasyong kabilang si Año sa umano’y “core group” na nagplano sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa FB page ni Parlade nakasaad ang: “TUTOK! HUWAG TAYONG MAWALA SA POKUS SA TUNAY NA KALABAN.” Ang kalaban ay hindi ang buong pamahalaan kundi ang CPP at ang mga galamay nito sa gobyerno.
Ayon kay Parlade, suportado nila si Año na may integridad at makabayang paninindigan na tinawag niya itong isang “propesyonal na sundalo” na ang katapatan sa bayan ay “walang bahid.”
Magkasama silang naging Battalion Commander sa Southern Tagalog sa kasagsagan ng insureksiyon.
Si Año, dating Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines at isa sa mga pangunahing lider sa pagsupil sa Maute terror group sa Labanan sa Marawi, ay kasalukuyang Vice Chairperson ng NTF-ELCAC at National Security Adviser sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno sa intelligence at operasyon ng AFP at sa pagsuporta sa NTF-ELCAC, ilan sa mga pinakamataas na lider ng CPP-NPA ang na-neutralize—kabilang na sina Benito at Wilma Tiamzon, Jorge “Ka Oris” Madlos, Menandro Villanueva, at Antonio Cule, atibapa—na itinuturing na matitinding dagok sa kilusan.
Ang kontrobersiya ay nag-ugat sa maling paratang na si Año ay kasali sa planong arestuhin si Duterte dahil sa maling kuwento ni DILG Sec. Jonvic Remulla.
- Latest