Import-less Blackwater umeskapo sa Phoenix
MANILA, Philippines — Binuhay ng Blackwater ang pag-asa sa No. 8 spot sa quarterfinals matapos talunin ang Phoenix, 100-92, sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nagtala si center Justin Chua ng 22 points at 11 rebounds habang may 20, 14, 11 at 10 markers sina Christian David, Jayvee Casio, Mike Ayonayon at Jewel Ponferrada, ayon sa pagkakasunod.
Inilista ng Bossing ang 3-8 baraha bagama’t naglaro nang wala si injured import George King.
“We didn’t know until 30 minutes before the game that he wouldn’t gonna play. So that was already a sting for us,” ani coach Jeffrey Cariaso kay King. “But the idea of the guys just stepping up. I couldn’t be any more proud of this team. So I really loved the fight.”
Sunod nilang lalabanan ang NorthPort sa Sabado.
Bumulusok ang Fuel Masters sa ikatlong dikit na pagkatalo para sa 3-8 marka sa kabila ng iniskor na 32 points ni import Donovan Smith.
Muntik mabalewala ang inilistang 15-point lead, 42-27, ng Blackwater sa second period nang ilang beses maagaw ng Phoenix ang bentahe sa fourth quarter.
Ang dalawang free throws ni David ang naglayo sa Bossing sa 96-92 sa huling 2:13 minuto ng labanan kasunod ang magkasunod na mintis ni Jason Perkins sa posesyon ng Fuel Masters.
Tuluyan nang naselyuhan ang panalo ng Blackwater matapos ang layup ni Jewel Ponferada sa natitirang 1:09 minuto.
Nagdagdag si Perkins ng 19 points sa panig ng Phoenix kasunod ang 12 markers ni RJ Jazul.
Magkakaroon ng pag-asa ang Bossing at Fuel Masters sa playoff para sa No. 8 seat sa quarterfinals kung matatalo ang San Miguel Beermen (4-5) sa Batang Pier (7-3) kagabi habang isinusulat ito.
- Latest