Perdido out sa UAAP Season 87
MANILA, Philippines — Hindi pa nagsisimula ang bakbakan sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament ngunit bangas na agad ang lineup ng University of Santo Tomas.
Hindi masisilayan sa season na ito si outside hitter Jonna Perdido matapos magtamo ng anterior cruciate ligament (ACL) tear sa kanyang kaliwang tuhod.
Natamo ni Perdido ang naturang injury sa laban ng Golden Tigresses kontra sa Far Eastern University sa bronze-medal match ng Shakey’s Super League noong Nobyembre.
Ngunit nadiskubre ang lala ng injury nito kamakailan lamang dahilan para alisin na muna ito sa lineup ng Golden Tigresses para sa nalalapit na pagbubukas ng volleyball season sa susunod na buwan.
Mangangailangan si Perdido ng anim na buwan na rehabilitasyon upang tuluyang gumaling ang injury nito.
Umaasa ang kampo ng Golden Tigresses sa mabilis na paggaling ni Perdido upang makasama itong muli sa susunod na season ng liga.
Malaking kawalan si Perdido para sa Golden Tigresses lalo pa’t isa ito sa inaasahan ng tropa sa scoring department.
Dahil dito, maiiwan ang pasanin kay outside hitter Angeline Poyos na siyang scoring machine ng Golden Tigresses.
Makakatuwang ni Poyos sa ratsada sina wing spiker Regina Jurado at playmaker Cassie Carballo gayundin sina Xyza Gula at Kyla Cordora.
Matatandaang tumapos ang Golden Tigresses bilang runner-up sa UAAP Season 86 kung saan natalo ito sa finals laban sa reigning champion National University.
- Latest