Quiambao pahinga muna sa KBL
MANILA, Philippines — Sasailalim sa isang buwan na pahinga si Kevin Quiambao bago muling sumalang sa Korean Basketball League (KBL) upang tuluyang gumaling ang kanyang ankle injury.
Matatandaang hindi naging maganda ang debut ni two-time UAAP MVP Quiambao sa laban ng kanyang tropang Goyang Sono Skygunners kontra sa Seoul SK Knights sa KBL sa Goyang Gymnasium.
Hindi sinasadyang maapakan ni Quiambao ang paa ni Oh Sekuen ng Seoul SK Knights may halos walong minuto pang nalalabi sa second quarter.
Hindi na nakabalik sa paglalaro si Quiambao kung saan lumasap ang Goyang ng 57-84 kabiguan.
Nagsalpak lamang si Quiambao ng anim na puntos mula sa dalawang three-pointers.
Panibagong dagok na naman ito para sa Gilas Pilipinas na sasabak sa final window ng FIBA Asia Cup Qualifiers sa susunod na buwan.
Bahagi si Quiambao ng Gilas Pilipinas pool na haharap kontra sa Chinese-Taipei sa Pebrero 20 at New Zealand sa Pebrero 23.
Nauna nang nagtamo ng injury si Gilas Pilipinas slotman Kai Sotto na naglalaro naman para sa Koshigaya Alphas sa Japan B.League kamakailan.
Mas masaklap ang nangyari sa 7-foot-3 Pinoy cager na may torn anterior cruciate ligament (ACL) injury na mangangailangan ng anim na buwan na rehabilitasyon.
Kaya naman hindi na makalalaro pa si Sotto sa third window ng qualifiers.
- Latest