Galeries tower bagsak sa Zus Coffee
MANILA, Philippines — Dumiretso ang ZUS Coffee sa ikalawang sunod na panalo matapos walisin ang Galeries Tower, 25-22, 25-16, 25-19, sa 2024-24 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Pumalo si Chinnie Arroyo ng 14 points mula 11 attacks, dalawang service ace at isang block para sa 2-1 baraha ng Thunderbelles.
Nagdagdag si Chai Troncoso ng 11 markers, habang may siyam at tig-pitong puntos sina Thea Gagate, Jovelyn Gonzaga at Michelle Gamit, ayon sa pagkakasunod.
“Ang nasa mindset lang namin is kailangan tuluy-tuloy lang kami at hindi mag-stop,” ani Arroyo.
Bagsak ang Highrisers sa 0-4 marka.
Itinakas ng ZUS Coffee ang 25-22 panalo sa first set at inilista ang 17-8 bentahe sa second frame.
Naputol ito ng Galeries Tower sa 14-17 matapos ihulog ang isang 6-0 bomba.
Muling nakalayo ang Thunderbelles sa 24-16 kasunod ang kill block ni Gamit kay Dimdim Pacres para ibaon ang Highrisers sa 2-0.
Muling rumemate ang ZUS Coffee sa 20-12 kalamangan sa third set habang nakalapit ang Galeries Tower sa 17-21 sa likod ng pagbibida nina France Ronquillo at Jho Maraguinot.
Kumamada naman si Troncoso para itaas ang Thunderbelles sa 24-17 bago tapusin ni Cloanne Mondoñedo ang laro.
- Latest