EDITORYAL — Inaabuso ang plakang ‘7’
Lumutang sa Land Transportation Office (LTO) ang drayber ng puting Cadillac Escalade na may plakang number “7” na gumamit ng EDSA Busway noong Noyembre 3 at nang sitahin ng babaing traffic enforcer ay tinangka pa itong sagasaan. Nag-dirty finger naman ang pasaherong lalaki ng SUV. Naganap ang insidente sa Guadalupe, Makati City. Sabi ng lady traffic enforcer na si Sarah Barnachea, tinangka niyang pigilan ang SUV subalit sasagasaan siya kaya hinayaan na lang niya na makaalis.
Nakilala ang driver na si Angelito Edpan at ang minamaneho niyang Cadillac ay nakarehistro sa Orient Pacific Corporation na pag-aari naman ng ama at kapatid ni Sen. Sherwin Gatchalian. Nag-sorry si Edpan sa LTO dahil sa ginawa. Pinagmulta siya ng P2,000 at kinumpiska ang kanyang lisensiya.
Nanindigan naman ang LTO na peke ang plate number “7” ng Cadillac. Wala raw silang iniisyung number “7” sa white Cadillac kaya peke ang plaka. Umiwas naman si Senator Gatchalian sa mga tanong kaugnay sa isyu at sinabing hayaan na lamang ang LTO ang mag-imbestiga. Una nang sinabi ng senador na hindi sa kanya ang sangkot na SUV na may plakang “7”.
Ang protocol plate number “7” ay iniisyu sa mga senador samantalang ang number “8” ay para sa mga miyembro ng House of Representatives. Sa kabila na bawal dumaan sa EDSA Busway ang mga pribadong sasakyan kabilang ang mga may number “7” at “8”, marami pa rin ang lumalabag. Hindi sumusunod sa batas at patuloy na pumapasok o gumagamit ng busway para makaiwas sa trapik.
Noong Abril 11, 2024, isang itim na SUV na may plakang “7” ang mabilis na dumaan sa bus lane. Hinarang ito ng MMDA traffic enforcers. Pero sa halip na tumigil, pinaharurot pa ang SUV palayo. Hindi nalaman kung sinong senador ang sakay ng SUV. Lumipas ang tatlong araw bago lumabas ang tunay na may-ari ng sasakyan—si Sen. Francis Escudero. Agad humingi ng paumanhin si Escudero at sinabing ang driver ng SUV ay kanyang family member. Pinagreport niya sa Metro Manila Development Authority (MMDA) ang driver at nagpaliwanag. Isasauli na rin umano niya ang plakang “7”.
Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA), ang mga pinapayagan lamang na gumamit ng EDSA Busway ay ang convoys ng Presidente, Bise Presidente, Speaker of the House, Senate President, at Chief Justice ng Korte Suprema. Pagmumultahin ang sinumang lalabag.
Masyado nang inaabuso ang plakang “7” at ngayon nga ay pinepeke pa. Bawiin na ang mga plakang “7” at “8” para hindi na maulit ang pangyayari. Kung wala ang mga plakang ito, wala nang magtatangka at wala na ring mayayabang na gagamit nito.
- Latest