Chery Tiggo nakabalik sa pamatay na porma
MANILA, Philippines — Nagbalik sa kanilang pamatay na porma ang Chery Tiggo matapos talunin ang Farm Fresh, 21-25, 25-14, 25-17, 25-20, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Pumalo si Cess Robles ng 21 points mula sa 16 attacks, apat na blocks at isang service ace para sa 5-3 record ng Crossovers.
Umiskor si Ara Galang ng 20 markers kasunod ang 12 points ni Cza Carandang, habang naglista si Alina Bicar ng 15 excellent sets para sa kanilang pagbangon mula sa naunang kabiguan sa Petro Gazz Angels.
“Kailangan ngayon ma-redeem na namin ‘yung sarili namin — hindi lang sarili namin pero ‘yung as a whole, as one team,” wika ni Galang.
Hindi naglaro si main libero Jen Nierva dahil sa kanyang knee injury.
Si Joahna Verdeflor ang sumalo sa kanyang trabaho at naglista ng 24 excellent digs.
Tanging si Trisha Tubu ang naglista ng double digit sa kanyang 15 points sa 3-4 baraha ng Foxies na bigong masundan ang panalo sa Nxled Chameleons.
Maganda ang panimula ng Farm Fresh matapos angkinin ang first set sa likod nina Tubu at Jolina Dela Cruz.
Ngunit kaagad nakabawi ang Chery Tiggo sa second frame bago agawin ang 2-1 abante sa panalo sa third set.
Sa fourth set ay nagtulung-tulong sina Robles, Galang, Shaya Adorador at Cza Carandang para ilista ng Crossovers ang 24-20 bentahe.
Ang service ace ni Joyme Cagande ang sumelyo sa kanilang panalo sa Foxies.
Pupuntiryahin ng Chery Tiggo ang ikalawang sunod na ratsada sa pagharap sa ZUS Coffee sa Enero 30.
Babawi ang Farm Fresh sa pagsagupa sa Galeries Tower sa parehong petsa.
- Latest